Thursday, November 11, 2010

PaGLisan



“Pinapayuhan po ang lahat na lumikas panandali at manatili sa lugar na hindi binabaha, ang parating na bagyo ay sadyang malakas at kaligtasan ng aking pinamumunuan ang pinakamahalga sa panahon ng trahedya.” Rinig ni Faith ang mababang boses ng kanilang kapitan at kahit na gumagamit ito ng megaphone ay halata pa rin sa tinig nito ang takot.


‘Bumabagyo na naman’, naisip niya, ‘parang noong nakaraang lingo lang eh wala pang kalahating oras ay lubog na itong barangay Isidro dahil sa malakas na ulan na dulot ng bagyong MILENYO.. at  hindi pa rin nakakabangon ang mga tao sa naganap na sakuna eh andirito na naman ang isa pang bagyo na ayon sa balita ay mas malakas keysa sa nauna! Ano ba namang problema to!’ minsan, naisip niya, kuwestiyonin niya ang Dakilang Lumikha. Pero mali iyon.


Marami ang nasawi sa trahedyang dulot ng bagyong iyon… maraming ari arian ang nasira, marami rin ang nawalan ng kabuhayan.. sino nga ba ang mas malas? Ang namatayan ng mahal sa buhay o ang lalaking na-busted ng nililigawan? Sino ang mas nakaaawa, ang nawalan ng kabuhayan o ang nasiraan ng tiwala sa sarili dahil sa pamamahiya ng isang propesor sa klase? Ano ang mas nakakatakot, ang bumbay na pinantatakot sa mga bata para hindi lumabas sa gabi o ang nagbabantang mas malakas na trahedya? Marami na talagang pagbabago sa mga mamamayan ngayon. Madami na ngang problema sa bansa, pansariling kapakanan pa rin ang inaatupag ng iba sa atin. Tila tatakbo sa pagiging konsehal si Faith dahil napakalawak ng kanyang pagiisip sa mga ganitong uri ng bagay lalo na at ito’y hinggil sa bayan.


“Mama!!! Sabi po ni kapitan, dun raw po muna tayo sa evacuation area manatili hanggang makalagpas ang bagyo sa bansa.” Nabaling niya ang atensyon sa naglulutong ina. Bakas sa mukha nito ang pagod dahil kakatapos lamang nila mag-ayos ng binahang bahay.


“Bakit naman ako papayag na lumipat eh paano ang mga kagamitan natin dito sa bahay?” Ayaw pumayag ng kanyang ina sa suhestiyon ng kanilang kapitan. Oo nga naman, paano ang mga kagamitan nila sa bahay na ipinundar pa ng kanilang ama?


“Pero mama, mas mabuti na rin po ang ligtas tayo.” Pipilitin pa sana ni Faith ang kanyang mama subalit alam nitong pag ayaw ng kanyang ina. Ayaw talaga nito kahit anong pilit pa ang kanyang gagawin.


“Mabuti pa, kumain ka na, tapos ayusin mo ang mga damit mo, kayo ni bunso ang lilipat sa evacuation area. Dito lang ako sa bahay hanggang sa pagkatapos ng bagyo.” Ramdam ni Faith ang pagmamahal sa tinig ng kanyang ina.


Dumating na ang hapon at kailangan na nilang lumipat sa evacuation area. Ayaw man ni Faith sa suhestiyon ng kanyang ina na magpapaiwan ito sa kanilang bahay. Tila ramdam niya ang kaba, takot at pag-aalala para sa kaligtasan ng ina.


Pinilit niyang itago ang pagtatampo sa ina dahil mas inuna nito ang kaligtasan ng mga kasangkapan kaysa sa pansariling kaligtasan.


“Ate!! Pinapatawag na tayo ni kapitan, sumabay na raw tayo sa service ng barangay.” Parang walang malay sa nangyayari sa loob ng kanilang bahay ang kanilang bunso.


Bago tuluyang nagpasyang lumabas ng bahay ay mahigpit na yakap ang binigay ni Faith sa kanyang ina. Hindi niya mawari kung bakit biglang ginusto niya ang magpaiwan.


“Hala, sige na kayo at baka maiwan kayo ng sasakyan. Magiingat kayo ha. Faith, itong si bunso wag mong hayaang maglaro sa tubig baha. Kung magkaproblema, heto, tawagan mo si Papa.” At iniabot ng kanyang mama ang isang papel na may nakasulat na numero.


“Mama, magkikita pa naman po tayo ah! Kung ano ano sinasabi ninyo, parang magkakalayo na tayo. Ingat rin kayo mama. Love you po” Sabay halik sa pisngi ng ina at yumakap muli.


Dalawang araw nakakalipas at patuloy sa pagbuhos ang ulan sa lugar nila. Wala nang pagkain, at wala pa rin silang balita sa kanyang ina. Kampante man ang kalooban niyang mag-iingat ang kanilang mama, hindi pa rin maiaalis ang kaba dahil napakalakas talaga ng bagyong NENENG.


Nang sumapit ang ika-apat na araw at dahil wala pa rin siyang balita, naglakas loob na si Faith na lumapit sa kanilang Kapitan na abala sa pag-aasikaso sa ibang evacuees.


“Kapitan, may nakapunta na po ba sa bahay namin? Wala pa po kasi si mama eh.. nag-aalala na po kasi ako..” habang kinakausap niya ang kanilang kapitan ay hindi niya nagawang pigilan ang pagtulo ng mga luha sanhi ng napakalakas na takot para sa ina.


“Faith, si mama mo, hinahanap na. Ipapatawag kita kaagad kung may balita na.” Pilit siyang pinapakalma ng kapitan. Sa mga oras na ito, sadyang kinakailangan niya ng lakas ng loob at tibay ng damdamin sa maaaring mangyari.


Bago pa man tuluyang matapos ang usapan nila ng kapitan ay may dumating na rescuers na may dalang malaking bagay na nakabalot sa isang putikang puting tela. Kinilabutan si Faith. Habang tinitignan niya ang gagawin ng kapitan. Hinintay rin niyang makita ang itsura ng taong sinawing palad. Malakas ang panalangin n asana ay mali ang kanyang suspetsa. Lalong lumakas ang kabog sa dibdib habang binubulatlat ang telang mahirap na tanggalin dahil nanigas na ang tao sa loob nito.


Nang mailabas ang kanang braso ng biktima ay tila nawasak ang mundo ni Faith. Ang babaeng biktima ay suot suot ang kanyang regalo sa kanyang ina. Bracelet na ginto. Alam niyang ang ina lang niya ang may ganoong bracelet. Umalis na siya sa eksena at hinayaan sila kapitan na ang mag-asikaso. Problema niya ngayon kung paano ipapaliwanag iyon kay Bunso. 


Lumapit siya sa lugar kung saan nag-o-offer ng libreng tawag, long distance man o hindi at tinawagan ang kanyang papa na mula nang magkaroon ng bagyo ay nag-umpisa na ring mag-alala.


“Hello, papa, ano po kasi, si mama…” hindi maipagpatuloy ni Faith ang pagsasalita. Umiyak na lang siya nang umiayak na nagbigay linaw na sa kanyang ama.


Mabilis na lumipas ang araw. Nabigyan naman ng maayos na libing ang kanilang ina.


Nang matapos ang libing ay tila lalong bumilis ang oras at paglipas ng mga araw para kay Faith. Hindi na siya makasabay sa agos ng buhay.


Isang buwan, dalawa, tatlo, apat… paminsa-minsan ay dumadating pa rin sa puntong umiiyak si Faith sa kanyang kwarto. Masyadong mabilis ang mga pangyayari.


Bago sumapit ang unang taon mula nang mawala ang kanilang ina, napadaan siya sa isang simbahan malapit sa pinapasukan niyang trabaho. Wala namang okasyon ng araw na iyon, naisip lang niyang pumasok sa loob nito at manalangin kahit ilang segundo.


Pagkapasok niya ay lumuhod at nagdasal siya.


Matapos magdasal ay pinili niyang manatili pa sa loob ng simbahang iyon. Nagmasid siya. Nabasa niya ang isang pahayag sa wikang inggles:
“MY SOUL REJOICES WITH HIM IN ETERNITY”


bakit? Tanong ng kanyang isip. Si mama. Masaya na raw siya. Naiyak siyang muli.


Ang pahayag na iyon ay talagang nagmulat sa kanya. Alam niya na ngayon na masaya ang kanyang mama sa piling ng Dakilang Lumikha. Mahirap man para sa kanya na tanggapin ang katotohanan ay dapat niya iyong gawin dahil naisip rin niya na mas mahirap para sa kanyang mama ang makita silang nalulungkot.


Nagsimula muli ang agos ng buhay para kay Faith. Nawalan man ng mahal sa buhay rito sa lupa ay alam niya na nagkaroon naman sila anghel sa langit na gagabay sa kanila ng kanyang kapatid.


tiderlie022